BINAY GIVES AQUINO SONA A '9', VILLAR: GOOD / 3rd
SONA TAGALOG VERSION
[PHOTO -Vice President
Jejomar Binay share light moments during the opening of the 3rd regular session
of the 15th Congress at the Senate of the Philippines on Monday before the State
of the Nation Address of President Aquino. Binay gave Aquino's speech a rating
of 8.5 to 9. INQUIRER PHOTO / NIÑO JESUS
ORBETA]
MANILA,
JULY 24, 2012
(INQUIRER) By Fat Reyes - On a scale of 1 to 10 with 10 being the
highest, Vice President Jejomar Binay on Monday gave President Benigno Aquino an
8.5 to 9 rating for his State of the Nation Address (Sona).
Aquino gave his third Sona at the Batasan Complex 4 p.m. Monday. Binay said
that he believed that Aquino fulfilled most of his promises since he stepped
into office, saying "ang dami noon almost half-way na 'yon eh sa Congress."
In a separate statement, Binay said "napakaganda ng mga sinabi ni Pangulong
Noynoy Aquino. Tama s'ya. Walang imposible. Nakikita na natin na nagkakabunga na
ang mga reporma na sinimulan ng ating Pangulo."
Binay said he would continue to support Aquino. He also said that Aquino
needed the support and trust of the Filipino people.
Villar rates Aquino's Sona 'good' By Matikas
Santos INQUIRER.net 7:02 pm | Monday, July 23rd, 2012
[PHOTO -Senator Manny Villar. INQUIRER FILE
PHOTO]
MANILA, Philippines – Senator Manuel Villar found the State of the Nation
Address (SONA) of President Benigno Aquino III as "good" and said that no
address could ever be perfect.
"Each sector will always find something lacking (in Aquino's speech). We
cannot perfect everything," Villar said after the President's hour and a half
speech at the House of Representatives Monday.
"No SONA speech can ever be complete. Each person will look for something
that was not mentioned," Villar, who became an ally of the President recently
after his Nacionalista Party entered into an alliance with Aquino's Liberal
Party, said.
He added that he would look at Aquino's speech "as a whole," at would rate it
as "good."
Villar, who had not attended the previous SONAs, said that he wanted to
attend the event this time because his term was about to end.
When asked what he liked best about Aquino's speech, he said "his call for
unity."
"I think it is more important now to become united so we can eliminate
poverty faster," Villar said.
Ombudsman Morales extolled in Aquino Sona By Karen
Boncocan INQUIRER.net 6:15 pm | Monday, July 23rd, 2012
[PHOTO -Ombudsman Conchita Carpio Morales during the impeachment
hearing of Supreme Court Chief Justice Ranato Corona at the Senate. INQUIRER FILE PHOTO]
MANILA, Philippines — Ombudsman Conchita Carpio-Morales received special
mention along with other notable officials from President Benigno Aquino III in
his third State of the Nation Address.
Speaking before lawmakers, senators, and other public officials, the Chief
Executive said that Morales had been instrumental in carrying out reforms during
his second year.
He said that he admired Morales' work and told her to expect more challenges.
TAGALOG VERSION
SONA 2012 `Kayo po ang gumawa ng pagbabago. SONA ito ng
sambayanang Pilipino' By President Benigno S. Aquino III 5:40 pm |
Monday, July 23rd, 2012
(President Benigno S. Aquino III' s third State
of the Nation Address delivered before a joint session of Congress at the
Session Hall of the House of Representatives, Batasan Pambansa Complex, Quezon
City, on July 23, 2012)
Maraming salamat po. Maupo po tayong lahat.
Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise
Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph
Ejercito Estrada; ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema;
mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga kagalang-galang na
miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga pinuno ng pamahalaang
lokal; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at
kapulisan; mga kapwa kong nagseserbisyo sa taumbayan; at siyempre sa akin pong
mga boss, magandang hapon po sa inyong lahat.
Ito po ang aking ikatlong
SONA, at parang kailan lang nang nagsimula tayong mangarap. Parang kailan lang
nang sabay-sabay tayong nagpasyang tahakin ang tuwid na daan. Parang kailan lang
nang sinimulan nating iwaksi ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada kundi sa
sistemang panlipunan.
Dalawang taon na ang nakalipas mula nang sinabi
ninyo, "Sawa na kami sa korupsyon; sawa na kami sa kahirapan." Oras na upang
ibalik ang isang pamahalaang tunay na kakampi ng taumbayan.
Gaya ng
marami sa inyo, namulat ako sa panggigipit ng makapangyarihan.
Labindalawang-taong gulang po ako nang idineklara ang Batas Militar. Bumaliktad
ang aming mundo: Pitong taon at pitong buwang ipiniit ang aking ama; tatlong
taong napilitang mangibang-bansa ang aking pamilya; naging saksi ako sa
pagdurusa ng marami dahil sa diktadurya. Dito napanday ang aking prinsipyo: Kung
may inaagrabyado't ninanakawan ng karapatan, siya ang kakampihan ko. Kung may
abusadong mapang-api, siya ang lalabanan ko. Kung may makita akong mali sa
sistema, tungkulin kong itama ito. [Applause]
Matagal nang tapos ang
Batas Militar. Tinanong tayo noon, "Kung hindi tayo, sino pa?" at "Kung hindi
ngayon, kailan pa?" Ang nagkakaisang tugon natin: tayo at ngayon na. Ang
demokrasyang ninakaw gamit ang paniniil at karahasan, nabawi natin sa mapayapang
paraan; matagumpay nating pinag-alab ang liwanag mula sa pinakamadilim na
kabanata ng ating kasaysayan.
Ngunit huwag po nating kalimutan ang
pinag-ugatan ng Batas Militar: Kinasangkapan ng diktador ang Saligang Batas
upang manatili sa kapangyarihan. At hanggang ngayon, tuloy pa rin ang banggaan
sa pagitan ng gusto ng sistemang parehas, laban sa mga nagnanais magpatuloy ng
panlalamang.
Mula sa unang araw ng ating panunungkulan, walang ibang
sumalubong sa atin kundi ang mga bangungot ng nawalang dekada.
Nariyan
po ang kaso ng North Rail. Pagkamahal-mahal na nga nito, matapos ulitin ang
negosasyon, nagmahal pa lalo. Sa kabila nito, binawasan ang benepisyo. Ang
labingsiyam na trainsets naging tatlo, at sa mga estasyon, mula lima, naging
dalawa. Ang masaklap pa po, pinapabayaran na sa atin ang utang nito, now na.
Nariyan ang walang pakundangang bonus sa ilang GOCC, sa kabila ng
pagkalugi ng kanilang mga ahensya. Nariyan ang isang bilyong pisong pinasingaw
ng PAGCOR para sa kape. Nariyan ang sistemang pamamahala sa PNP na isinantabi
ang pangangailangan sa armas ng 45 porsiyento ng kapulisan, para lang kumita
mula sa lumang helicopter na binili sa presyong brand new.
Wala na ngang
iniwang panggastos, patung-patong at sabay-sabay pa ang mga utang na kailangang
bayaran na. Mahaba ang iniwang listahan na tungkulin nating punuan: Ang 66,800
na backlog sa classrooms, na nagkakahalaga ng tinatayang 53.44 billion pesos;
ang 2,573,212 na backlog sa mga upuan, na nagkakahalaga naman ng 2.31 billion
pesos. Nang dumating tayo, may halos tatlumpu't anim na milyong Pilipinong hindi
pa miyembro ng PhilHealth. Ang kailangan para makasali sila: maaaring umabot sa
42 billion pesos. Idagdag pa po natin sa lahat ng iyan ang 103 billion pesos na
kailangan para sa modernisasyon ng Hukbong Sandatahan. Sa harap ng lahat ng ito,
ang iniwan sa ating pondo na malaya nating magagamit: 6.5 percent ng kabuuang
budget para sa natitirang anim na buwan ng 2010. Para po tayong boksingerong
isinabak sa laban nang nakagapos na nga ang mga kamay at paa, nakapiring pa ang
mga mata, at kakampi pa ng kalaban ang referee at ang mga judge.
Kaya
nga sa unang tatlong buwan ng aming panunungkulan, inaabangan namin ang
pagdating ng Linggo para maidulog sa Panginoon ang mga bangungot na humaharap sa
amin. Inasahan naming mangangailangan ng 'di bababa sa dalawang taon bago
magkaroon ng makabuluhang pagbabago. Bibigyan kaya tayo ng sapat na pag-unawa ng
taumbayan?
Subalit kung may isang bagay mang nakatatak na sa ating lahi,
at makailang ulit na nating pinatunayan sa buong mundo: Walang hindi makakaya
ang nagkakaisang Pilipino. Nangarap po tayo ng pagbabago; nakamit natin ang
pagbabago; at ngayon, karaniwan na ito. [Applause]
Ang kalsadang
pinondohan ninyo ay tuwid, patag, at walang bukol; ang tanging tongpats ay
aspalto o semento. Karaniwan na po ito.
Ang sitwasyon kung paparating
ang bagyo: nakaabang na ang relief, at hindi ang tao ang nag-aabang ng relief.
Nag-aabang na ring umalalay ang rescue services sa taumbayan, at hindi tayo-tayo
lang din ang sumasaklolo sa isa't isa. Karaniwan na po ito.
Ang
wang-wang sa lansangan, galing na lang sa pulis, ambulansya, o bumbero—hindi sa
opisyal ng gobyerno. Karaniwan na rin po ito. Ang gobyernong dating nang-aabuso,
ngayon, tunay na kakampi na ng Pilipino. [Applause]
Nagpatupad po tayo
ng reporma: tinanggal ang gastusing hindi kailangan, hinabol ang mga tiwali, at
ipinakita sa mundong open for business under new management na ang Pilipinas.
Ang dating sick man of Asia, ngayon, punung-puno na ng sigla. Nang
nagkaroon tayo ng positive credit rating action, ang sabi ng iba, tsamba.
Ngayong walo na po sila, tsamba pa rin kaya? [Applause] Sa Philippine Stock
Exchange index, nang una nating nahigitan ang 4,000 na index, may mga nagduda.
Ngayon, sa dami ng all-time high, pati economic managers, nahirapan yata sa
pagbilang, at ako rin po ay nagulat: nakakaapatnapu't apat na pala tayo, at
bihira nang bumaba sa 5,000 ang index. [Applause] Nito pong first quarter ng
2012, ang GDP growth natin, 6.4 percent; milya-milya ang layo niyan sa mga
prediksyon, at pinakamataas sa buong Southeast Asian region; pangalawa po ito sa
Asya, sunod lang tayo sa Tsina. [Applause] Kung dati po, tayo ang laging
nangungutang, ngayon, hindi po birong tayo na ang nagpapautang.
[Applause]
Dati, namamalimos tayo ng investments; ngayon, sila na ang
dumadagsa. Ang mga kumpanyang Hapon, sa isang pagpupulong po namin, ang sabi ay,
"Baka gusto n'yo kaming silipin. Hindi nga kami ang pinakamura, pero una naman
kami sa teknolohiya." Pati pinuno ng isa pong malaking bangko sa Inglatera,
kamakailan nakipag-usap sa atin, ang sinabi, maisali sana sila sa ating
kinukunsulta sa usapang pinansyal.
Sa bawat sulok ng mundo, nagpapakita
ng paghanga ang mga komentarista. Ayon sa Bloomberg Businessweek, and I quote:
"Keep an eye on the Philippines." Ang Foreign Policy magazine, pati isa sa mga
pinuno ng ASEAN 100, nagsabing maaari daw tayong maging, and I quote, "Asia's
Next Tiger." [Applause] Sabi ni Ruchir Sharma, pinuno ng Emerging Market
Equities and Global Macro ng Morgan Stanley, I quote: "The Philippines is no
longer a joke." At mukha naman pong hindi siya nambobola, dahil tinatayang isang
bilyong dolyar ang ipinasok ng kanyang kumpanya sa atin pong bansa. [Applause]
Sana nga po, ang kaliwa't kanang paghanga ng taga-ibang bansa, masundan
na ng lokal na tagapagbalita. [Applause]
Sinisiguro po nating umaabot
ang kaunlaran sa mas nakakarami. Alalahanin po natin: Nang mag-umpisa tayo, may
760,357 na kabahayang benepisyaryo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Tinarget [target] natin itong paabutin sa 3.1 million sa loob ng dalawang taon.
Pebrero pa lang po ng taong ito, naiparehistro na ang ikatlong milyong
kabahayang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya. [Applause] Sa susunod na taon
naman, palalawakin pa natin ang sakop nito sa 3.8 milyong bahay; limang beses po
ang laki niyan sa dinatnan natin.
Pangmatagalan po ang impact ng
proyektong ito. Hindi pa kumpleto ang mga pag-aaral, pero ngayon pa lang,
maganda na ang ipinapakita ng numero. Base sa listahan ng DSWD: May 1,672,977 na
mga inang regular nang nagpapacheck-up. 1,672,814 na mga batang napabakunahan
laban sa diarrhea, polio, tigdas at iba pa. Four point fifty-seven million na
estudyanteng hindi na napipilitang mag-absent dahil sa kahirapan. [Applause]
Sa kalusugan naman po: Nang dumating tayo, animnapu't dalawang
porsiyento lamang ng mga Pilipino ang naka-enrol sa PhilHealth. Ang masaklap,
hindi pa masiguro kung lahat sila ay kabilang sa mga totoong nangangailangan ng
kalinga ng estado, o buwenas lang na malapit sa politiko. Ngayon po, 85 percent
ng lahat ng mamamayan, miyembro na nito. [Applause] Ang ibig pong sabihin, 23.31
million na Pilipino ang naidagdag sa mga saklaw ng PhilHealth mula nang bigyan
tayo ng mandato. [Applause]
Ang maganda pa rito: ang 5.2 million na
pinakamahirap na kabahayang tinukoy ng National Household Targeting System,
buong-buo at walang-bayad nang makikinabang sa benepisyo ng PhilHealth.
[Applause] Dahil po sa No Balance Billing policy ng Department of Health, ang
lunas para sa dengue, pneumonia, asthma, katarata, gayundin ang pagpapagamot sa
mga catastrophic disease tulad ng breast cancer, prostate cancer, at acute
leukemia, makukuha na nang libre ng mga pinakamahirap nating kababayan.
[Applause]
Ito po ang proseso ng pagpapagamot para sa kanila: Papasok ka
sa alinmang ospital ng gobyerno. Ipapakita mo ang iyong PhilHealth card.
Magpapagamot ka. At uuwi kang maginhawa nang walang inilabas ni isang kusing.
Sabi nga po sa isa sa mga briefing na dinaluhan natin, apat sa sampung
Pilipino, hindi man lamang nakakakita ng health professional sa tanang buhay
nila. Sa iba po, mas malaki pa: may nagsasabing anim sa bawat sampung Pilipino
ang pumapanaw nang malayo sa kalinga ng health professional. Anuman ang ating
pagbatayan, hindi po maikakaila: nakakabahala ang bilang ng mga Pilipinong hindi
naaabot ang serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan. Tinutugunan na po natin ito.
Mula sa sampung libo noong dumating tayo, umabot na sa 30,801 ang mga nurse at
midwife na ating nai-deploy sa ilalim ng RNHeals Program. [Applause]
Idagdag pa po natin sa kanila ang mahigit labing-isang libong Community
Health Teams na nagsisilbing tulay upang higit na mapatibay ang ugnayan ng mga
doktor at nurse sa komunidad.
At kung dati tutungo lamang ang mga nurse
kung saan makursunadahan ng kanilang hepe, ngayon, dahil sa tamang targeting,
kung saan sila kailangan, doon sila ipinapadala: [applause] sa mga lugar na
matagal nang naiwan sa laylayan ng lipunan. Ipinadala po ang ating mga health
professional sa 1,021 na pook na saklaw ng Pantawid Pamilya, at sa 609 na
pinakamahihirap na lungsod at munisipyo, ayon sa pag-aaral ng National
Anti-Poverty Commission. [Applause]
Dalawang problema po ang natutugunan
nito: bukod sa nagkakatrabaho at nabibigyan ng work experience ang libu-libong
nurse at midwife na dati ay walang mapaglalaanan ng kanilang kaalaman, nagiging
abot-kamay din ang dekalidad na kalinga para sa milyun-milyon nating kababayan.
Subalit hindi pa po tayo makukuntento rito, dahil ang hangad natin:
kalusugang pangkalahatan. Nagsisimula ito, hindi sa mga pagamutan, kundi sa loob
mismo ng kanya-kanya nating tahanan. Ibayong kaalaman, bakuna, at checkup ang
kailangan upang mailayo tayo sa karamdaman. Dagdag pa po diyan ang pagsisikap
nating iwasan ang mga sakit na puwede namang iwasan.
Halimbawa:
Nabanggit ko ang mosquito traps kontra dengue noong nakaraang taon.Alam naman po
ninyo, ang mga syantipiko mahigpit sa pagsisiyasat. Maaga pa para sabihing
siguradong-sigurado na tayo, pero nakaka-engganyo po ang mga paunang resulta
nitong programang ito.
Sinubok natin ang bisa ng mosquito traps sa mga
lugar kung saan naitala ang pinakamataas na insidente ng dengue. Sa buong
probinsya ng Bukidnon noong 2010, may 1,216 na kaso. Nang inilagay ang mga
mosquito trap noong 2011: mukhang nakatulong dahil bumaba ito sa tatlumpu't
pito; 97 percent raw po ang reduction po ito. Sa bayan ng Ballesteros at
Claveria sa Cagayan, may 228 na kaso ng dengue noong 2010. Pagdating ng 2011,
walo na lang ang naitala. Sa Catarman, Northern Samar: 434 na kaso ng dengue
noong 2010, naging apat na lang noong 2011. [Applause]
Panimulang
pag-aaral pa lamang po ito. Pero ngayon pa lang, marapat na yata nating
pasalamatan sina Secretary Ike Ona ng DOH at Secretary Mario Montejo ng DOST,
[Applause] Wala naman tayong masyadong umento, [palakpak ninyo na lang] para
naman ganahan silang lalong magsaliksik at mag-ugnayan.
Marami pa po
tayong kailangang solusyonan. Nakakabahala ang mataas pa ring maternal mortality
ratio ng bansa. Kaya nga po gumagawa tayo ng mga hakbang upang tugunan ang
pangangailangan sa kalusugan ng kababaihan. Nais din nating makamit ang
Universal Health Care, at magkaroon ng sapat na kagamitan, pasilidad, at tauhan
ang ating mga institusyong pangkalusugan.
Sa pagtugon natin sa mga ito,
malaki ang maiaambag ng Sin Tax Bill. Maipasa na po sana ito sa lalong madaling
panahon. [Applause] Mababawasan na ang bisyo, madadagdagan pa ang pondo para sa
kalusugan.
Ano naman kaya ang sasalubong sa kabataan pagpasok sa
paaralan? Sa lilim ng puno pa rin kaya sila unang matututo ng abakada?
Nakasalampak pa rin kaya sila sa sahig habang nakikipag-agawan ng textbook sa
kaklase nila?
Matibay po ang pananalig natin kay Secretary Luistro: Bago
matapos ang susunod na taon, ubos na ang minana nating 66,800 na kakulangan sa
silid-aralan. [Applause]
Ulitin ko po, next year pa po 'yan; 40,000 pa lang this year. Ang minana po
nating 2,573,212 na backlog sa upuan, tuluyan na rin nating matutugunan bago
matapos ang 2012. [Applause]
Sa taon din pong ito, masisimot na rin ang 61.7 million na backlog sa
textbook upang maabot na, sa wakas, ang one is to one ratio ng aklat sa
mag-aaral. [Applause]
Sana nga po, ngayong paubos na ang backlog sa edukasyon, sikapin nating huwag
uling magka-backlog dahil sa dami ng estudyante. Sa tingin ko po, Responsible
Parenthood ang sagot dito. [Applause]
At para naman po hindi mapag-iwanan ang ating mga State Universities and
Colleges, mayroon tayong panukalang 43.61 percent na pag-angat sa kanilang
budget para sa susunod na taon. [Applause] Paalala lang po: lahat ng ginagawa
natin, may direksyon; may kaakibat na kondisyon ang dagdag-budget na ito.
Kailangang ipatupad ang napagkasunduang SUC Reform Roadmap ng CHED at ng
kaukulang state colleges and universities, upang siguruhing dekalidad ang
magiging produkto ng mga pamantasang pinopondohan ng estado. Kung mataas ang
grado ninyo sa assignment na ito, asahan ninyong dodoblehin din namin ang kayod
para matugunan ang mga natitirang pangangailangan po ninyo. [Applause]
Panay addition po ang nagaganap sa ating budget sa edukasyon. Isipin po
ninyo: ang budget ng DepEd na ipinamana sa atin noong 2010, 177 billion pesos.
Ang panukala natin para sa 2013: 292.7 billion pesos. [Applause]
Noong 2010, 21.03 billion pesos ang budget para sa SUCs. Taunan po iyang
dinagdagan upang umabot na sa 37.13 billion pesos na panukala natin para sa
2013. [Applause] Pero sa kabila nito, ngayon pa lang, may nagpaplano nang
magcut-classes para mag-piket sa Mendiola. Ganito po kasimple: ang 292.7 ay mas
malaki sa 177, at ang 37.13 ay mas malaki sa 21.03. Kaya kung may magsasabi pa
ring binawasan natin ang budget ng edukasyon, kukumbinsihin na lang namin ang
inyong mga paaralan na maghandog ng remedial math class para sa inyo. [Laughter
and applause] At sana po, sa mga klaseng iyon, pakiusap po, pasukan naman ninyo.
Nang maupo tayo, at masimulan ang makabuluhang reporma, minaliit ng ilan ang
pagpapakitang-gilas ng pamahalaan. Kundi raw buwenas, ningas-kugon lang itong
mauupos rin paglaon. May ilan pa rin pong ayaw magretiro sa paghahasik ng
negatibismo; silang mga tikom ang bibig sa good news, at ginawang industriya na
ang kritisismo.
Kung may problema kayo na bago matapos ang taon, bawat bata ay may sarili
nang upuan at aklat, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin ninyong, "Ayaw
kong makapag-aral ka."
Kung masama ang loob ninyo na ang 5.2 million na
pinakamahihirap na kabahayang Pilipino ay maaari nang pumasok sa ospital nang
hindi iniintindi ang gastos sa pagpapagamot, tingnan ninyo sila ulit, mata sa
mata, at sabihin ninyong, "Ayaw kong gumaling ka."
Kung nagagalit kayo
na may tatlong milyong pamilyang Pilipino nang tumutungo sa katuparan ng
kanilang mga pangarap dahil sa Pantawid Pamilya, tingnan ninyo sila, mata sa
mata, at sabihin ninyong, "Ibabalik ko kayo sa kawalan ng pag-asa." [Applause]
Tapos na ang panahon kung kailan choice lang ng makapangyarihan ang
mahalaga. Halimbawa, ang dating namumuno sa TESDA, nagpamudmod ng mga
scholarship voucher; ang problema, wala palang nakalaang pondo para rito.
Natural, tatalbog ang voucher. Ang napala: 2.4 billion pesos ang sinisingil ng
mahigit isanlibong eskwelahan mula sa pamahalaan.
Nagpapapogi ang isang
tao't isang administrasyon; sambayanang Pilipino naman ang pinagbabayad ngayon.
Pumasok si Secretary Joel Villanueva; [applause] hindi siya nagpasindak
sa tila imposibleng pagbabagong dapat ipatupad sa kanyang ahensya. Sa kabila ng
malaking utang na minana ng TESDA, 434,676 na indibidwal pa rin ang kanilang
hinasa sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program. [Applause]
Kongkretong tagumpay din po ang hatid ng TESDA Specialista Technopreneurship
Program (mas mahirap pong bigkasin kaysa sa resulta). Biruin po ninyo: Bawat isa
sa 5,240 na sertipikadong Specialistas, kumikita na ngayon ng 562 pesos kada
araw o 11,240 pesos kada buwan. Mas malaki pa po ito sa minimum wage. [Applause]
Mula sa pagkasanggol, hanggang sa pagkabinata, gumagana na ang sistema
para sa mamamayan. Sinisiguro nating manganganak ng trabaho ang pagsigla ng
ating ekonomiya.
Alalahanin po natin: para tumabla lang, kailangang
makalikha taun-taon ng isang milyong bagong trabaho para sa mga new entrants.
Ang nalikha po natin sa loob ng dalawang taon: halos 3.1 million na bagong
trabaho. [Applause]
Ito po ang dahilan kung bakit pababa nang pababa ang
unemployment rate sa bansa. Nang dumating tayo, eight percent ang unemployment
rate. Naging 7.2 ito noong Abril ng 2011, at bumaba pa lalo sa 6.9 ngayong taon,
sa buwan rin ng Abril. 'Di po ba makatwirang mangarap na balang araw, bawat
Pilipinong handang magbanat ng buto, may mapapasukang trabaho?
Tingnan na
lamang po natin ang BPO sector. Noong taong 2000, limanlibo katao lang ang
naempleyo sa industriyang ito. Fast forward po tayo: 638,000 katao na ang
nabibigyang trabaho ng mga BPO, at labing-isang bilyong dolyar ang ipinasok nito
sa ating ekonomiya noong taong 2011. Ang projection nga po, pagdating ng 2016,
kung saan ako po ay magpapaalam na sa inyo, 25 billion dollars na ang maipapasok
nito, at makakapag-empleyo ng 1.3 million na Pilipino. [Applause]
Hindi
pa po kasama rito ang tinatayang aabot sa 3.2 million na mga taxi driver,
barista, mga sari-sari store, karinderya, at marami pang ibang makikinabang sa
mga indirect jobs na malilikha dahil sa BPO industry.
Malaking bahagi
din po ng ating job-generation strategy ang pagpapatayo ng sapat na
imprastruktura. Sa mga nakapagbakasyon na sa Boracay, nakita na naman ninyo ang
bagong-binyag nating terminal sa Caticlan. Nakalatag na rin po ang plano upang
palawakin ang runway nito.
Magkakaroon pa po 'yan ng mga kapatid: bago
matapos ang aking termino, nakatayo na ang New Bohol Airport sa Panglao,
[applause] New Legaspi Airport sa Daraga, at Laguindingan Airport sa Misamis
Oriental. [Applause]
Ia-upgrade na rin po natin ang ating international airports sa Mactan, Puerto
Princesa, at Tacloban. [Applause]
Dagdag pa po diyan ang pagpapaganda ng mga airport sa Butuan, Cotabato,
Dipolog, Pagadian, Tawi-Tawi, Southern Leyte, at San Vicente sa Palawan.
[Applause]
Kami po sa Tarlac ay maghihintay na lang. [Laughter]
Pang-apat na
Pangulo na po akong sasalo sa problema ng NAIA 3. Hindi lang po eroplano ang
nag-take off at nag-landing dito: maging mga problema't anomalya, lumapag din.
Nagbitiw na po ng salita si Secretary Mar Roxas: bago tayo magkita sa susunod na
SONA, maisasaayos na ang mga structural defects na minana natin sa NAIA 3.
[Applause]
Nitong Hunyo po, nagsimula na ring umusad ang proseso para sa
LRT Line 1 Cavite Extension project, na magpapaluwag sa trapik sa Las Piñas,
Parañaque, at Cavite. [Applause]
Dagdag pa diyan, para lalong mapaluwag
ang traffic sa Kamaynilaan at mapabilis ang pagtawid mula North Luzon hanggang
South Luzon Expressway, magkakaroon ng dalawang elevated NLEX–SLEX connector.
Matatapos po ang mga ito sa 2015. [Applause]
Magiging one hour and 40
minutes na lang ang biyaheng Clark papuntang Calamba oras na makumpleto ang mga
ito. Bago po tayo bumaba sa puwesto, nakatayo na rin ang mga dekalidad na
terminal sa Taguig, Quezon City, at Parañaque na paparadahan ng bus biyaheng
probinsya, [applause] upang hindi na sila makisiksik pa sa EDSA.
Nagbago
na po ang takbo ng usapan tungkol sa ahensyang dati'y itinuturing na pugad ng
kapalpakan. Naalala ko po dati: Kapag tag-ulan at umapaw ang Tarlac River,
nalulunod ang MacArthur Highway. Tutunawin nito ang aspalto; magbabaku-bako ang
kalsada hanggang sa tuluyan na nga itong mawawala. Bilang kinatawan noon ng
aking distrito, inireklamo ko po ito. Ang tugon ng DPWH: alam namin ang
problema, alam namin ang solusyon, pero wala kaming pera. Kinailangan ko pong
makiusap sa aking mga barangay, at ang sabi ko po sa kanila ay "Kung hindi natin
ito uunahin, walang gagawa nito, at tayo rin ang mapeperhuwisyo." Dati, panay
ang "hoy, gising!" sa gobyerno, bakit wala daw kasing ginagawa. Ngayon ang
reklamo, "sobra namang trapik, ang dami kasing ginagawa." [Laughter and
applause]
Paalala lang din po: naisasaayos na natin ang mga kalsadang
ito nang hindi nagtataas ng buwis. [Applause]
Bubuo tayo ng mga daanan,
hindi ayon sa kickback o kursonada, pero ayon sa isang malinaw na sistema. Dahil
hindi na bara-bara ang paglalagak natin ng pondo para sa mga proyekto, hindi na
ito mapapako sa plano, totoong kalsada na ang pakikinabangan ng Pilipino. Nang
maupo po tayo sa puwesto, 7,239 kilometers sa ating national road network ang
hindi pa naisasaayos. 1,569 kilometers na nito ang naipaayos natin sa ilalim ng
pamamahala ni Secretary Babes Singson; [applause]
sa 2012—2,275 kilometers pa
ang maidadagdag na natapos na rin po. Pati po ang mga kalsada at kurbadang
mapanganib, tinutukoy at inaayos na gamit ang teknolohiya. Taun-taon po nating
bubunuin ito, upang bago matapos ang aking termino, bawat pulgada ng ating
national road network, maayos na po. Siyempre 'wag la lang po n'yo dagdagan ang
national road network.
Hindi lang kalsada, kundi pati sistema,
isinasaayos sa DPWH. Dahil sa pagsunod sa tamang proseso ng bidding at
procurement, 10.6 billion pesos na ang natipid ng kanilang ahensya mula 2011
hanggang nitong Hunyo. [Applause]
Maging mga kontratista, batid ang
positibong bunga ng reporma sa DPWH. Sabi nga po nila, "ang top 40 na
kontratista, fully booked na raw po."
Sana po hindi maantala ang
pagpapatayo natin ng iba pang imprastraktura para hindi rin mapurnada ang
paglago ng ibang industriya.
Kaakibat ng pagpapaunlad ng imprastruktura
ang paglago ng turismo. Isipin po ninyo: Noong 2001, ang tourist arrivals sa
ating bansa, 1.8 million. Nang dumating po tayo noong 2010, naglalaro ito sa 3.1
million. Mantakin po ninyo: sa hinaba-haba ng kanilang administrasyon, ang
naidagdag nilang tourist arrivals, 1.3 million lamang; may ambag pa kaming
kalahating taon diyan. Tayo naman po, Hunyo pa lang ng 2012—2.1 million na
turista na ang napalapag. [Applause]
Mas marami pang dadagsa sa peak season bago matapos ang taon, kaya hindi ako
nagdududang maaabot natin ang quota na 4.6 million na turista para sa 2012.
[Applause] Ibig sabihin po: 1.5 million na turista ang ating maidadagdag.
Samakatuwid, sa dalawang taon, mas malaki ang magiging paglago ng ating tourist
arrivals, kumpara sa naidagdag ng pinalitan natin sa loob ng siyam at kalahating
taon. Hindi po tayo nagtataas ng bangko; nagsasabi lang po tayo ng totoo.
[Applause]
Pero hindi nakuntento rito si Secretary Mon Jimenez. Sabi niya, kung sa
Malaysia may bumisitang 24.7 million na turista noong 2011, at kung sa Thailand
naman tinatayang 17 million, sa dinami-rami ng magagandang tanawin sa ating
bansa, hindi naman siguro suntok sa buwan kung mangarap tayong pagdating ng
2016, sampung milyong turista na ang bibisita sa Pilipinas kada taon. [Applause]
Kung patuloy na magkakaisa ang sambayanang Pilipino, gaya ng ipinamalas
nating hirangin ang Puerto Princesa Underground River bilang isa sa New Seven
Wonders of Nature, walang dudang makakamtan natin ito. Ang pahayag nga po natin
sa daigdig: "It's more fun in the Philippines." [Applause]
Kahit wala
pang isang taon sa puwesto si Secretary Mon Jimenez, nagagapas na natin ang
positibong bunga ng ating mga naipunlang reporma. Masasabi nga po nating
pagdating sa turismo, "It's really fun—to have Secretary Mon Jimenez as our
Secretary." [Applause]
Kung paglago po ang usapan, nasa tuktok ng listahan ang agrikultura.
Kayod-kalabaw po si Secretary Alcala upang makapaghatid ng mabubuting balita.
Dati, para bang ang pinapalago ng mga namumuno sa DA ay ang utang ng NFA. Twelve
billion pesos ang minana nilang utang; ang ipinamana naman nila sa atin, 177
billion pesos.
Hindi po ba't noon, pinaniwala tayo na 1.3 million metric
tons ang kakulangan sa bigas, at para tugunan ito, 'di bababa sa two million
metric tons ang kanilang inangkat noong 2010. Parang unlimited rice sila kung
maka-order ng bigas, pero dahil sobra-sobra, nabubulok lang naman ito sa mga
bodega. Ang 1.3 million metric tons, unang taon pa lang, napababa na natin sa
860,000 metric tons. [Applause]
Ngayong taon, 500,000 na lang, kasama pa
ang buffer sakaling abutin tayo ng bagyo. [Applause] Huwag lang po tayong
pagsungitan ng panahon, harinawa, sa susunod na taon ay puwede na tayong
mag-export ng bigas. [Applause]
Ang sabi po ni Secretary Alcala: ang
susi dito, makatotohanang programa sa irigasyon, at masigasig na implementasyon
ng certified seeds program. [Applause] Ang masakit po, hindi bagong kaalaman
ito; hindi lang ipinapatupad. Kung dati pa sila nagtrabaho nang matino, nasaan
na kaya tayo ngayon?
Tingnan rin po natin ang industriya ng niyog at ang
cocowater na dati tinatapon lang, ngayon, napapakinabangan na ng magsasaka.
Noong 2009—483,862 liters ng cocowater ang iniluwas natin. Umangat po ito ng
1,807,583 liters noong 2010. Huwag po kayong magugulat: noong 2011: 16,756,498
liters [applause]—puwede ho bang ulitin iyon?—16,756,498 liters ng cocowater ang
in-export ng Pilipinas. Ang coco coir naman, kung dati walang pumapansin, ngayon
may shortage na dahil pinapakyaw ng mga exporter. Hindi natin sasayangin ang
pagkakataong ito: bibili pa tayo ng mga bagong makinang magpoproseso ng bunot
para makuha ang mga hiblang ginagawa mula sa coco coir. Sa susunod na taon, lalo
nating mapapakinabangan ang industriya ng niyog: Naglaan na tayo ng 1.75 billion
pesos upang mamuhunan at palaguin ito. [Applause]
Sinimulan po ng aking
ina ang Comprehensive Agrarian Reform Program. Nararapat lamang na matapos ang
programang ito sa panahon ng aking panunungkulan. [Applause]
Isinasaayos
na po ang sistema upang mapabilis ang pagpapatupad ng repormang agraryo.
Ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng hakbang upang maipamahagi sa ating magsasaka
ang mga lupaing diniligan at pinagyaman ng kanilang pawis. Subalit mayroon pa
rin pong ayaw paawat sa pagtatanim ng mga balakid. Ang tugon ko sa kanila:
susunod tayo sa batas. Ang atas ng batas, ang atas ng taumbayan, at ang atas ko:
Bago ako bumaba sa puwesto, naipamigay na dapat ang lahat ng lupaing sakop ng
CARP. [Applause]
Liwanagin naman po natin ang nangyayari sa sektor ng
enerhiya. Mantakin po ninyo: Dati po, umabot lang ang kawad ng kuryente sa
barangay hall, "energized" na raw ang buong barangay. Kaya ganun na lang kung
ipagmalaki nilang 99.98 percent na raw ng mga barangay sa bansa ang may
kuryente. Pati ba naman sa serbisyong dapat ay matagal nang napapakinabangan ng
Pilipino, nagkakagulangan pa? Kaya nga po, para subukan ang kakayahan ng DOE at
NEA, naglaan tayo ng 1.3 billion pesos para pailawan ang unang target na 1,300
sitios, sa presyong isang milyong piso bawat isa. Nang matapos sila, ang
napailawan sa inilaan nating pondo: 1,520 sitios, at gumastos lamang sila ng 814
million pesos. [Applause]
Nagawa nila ito sa loob lamang ng tatlong
buwan, at mas marami pa pong gagawin dito hangga't matapos ang 36,000 sitios, na
dati'y inaabot ng dalawang taon. Kay Secretary Rene Almendras, bilib talaga ako
sa iyo; parang hindi ka nauubusan ng enerhiya. Sa paghahatid-serbisyo, hindi ka
lang eveready, nagmistulang energizer bunny ka pa—you keep on going, and going,
and going. [Applause]
Nangingibabaw na nga po ang liwanag sa ating
bayan—liwanag na nagsiwalat sa krimeng nagaganap sa madidilim na sulok ng
lipunan. Ang pinagsisikapang kitain ng Pilipino, hindi na magagantso. Patuloy po
ang pagbaba ng crime volume sa buong bansa. Ang mahigit limandaan libong krimen
na naitala noong 2009, mahigit kalahati po ang nabawas: 246,958 na lamang iyan
nitong 2011. Dagdag pa rito: ang dating dalawanlibo't dalawandaang kaso ng
carnapping noong 2010, lampas kalahati rin ang ibinaba: 966 na lang po iyan
pagdating ng 2011.
Ito nga po sana ang dalhin ng ating mga headline.
Hindi po natin sinasabing wala nang krimeng nagaganap, pero palagay ko naman po,
wala dapat magalit na nangalahati na ito. Si Raymond Dominguez na matagal nang
labas-masok sa kulungan, hindi ba't sa loob lamang ng mahigit isang taon,
nasentensyahan at naipakulong na? Ang dalawa pa niyang kapatid ay sinampahan na
rin natin ng kaso at kasalukuyan na ring nakabilanggo. May dalawang suspect sa
bus bombing sa Makati noong nakaraang taon, ang isa po'y pumanaw na; 'yung isa,
humihimas na ng rehas. Kakosa niya ang mahigit sampung libong sangkot sa ilegal
na droga na inaresto ng PDEA nitong 2011. [Applause]
Alam po nating
hindi araw-araw ang laban ni Pacman, at hindi puwedeng iasa dito ang pagbaba ng
krimen. Kaya nga po pinalalakas natin ang puwersa ng kapulisan. 'Di po ba, nang
dumating tayo, apatnapu't limang porsyento ng ating kapulisan ang walang baril
at umaasa sa anting-anting habang tumutugis ng masasamang-loob? [Laughter] May
nanalo na po sa bidding, tinitiyak na lamang nating dekalidad ang kanilang mga
produkto. Pagkatapos ng proseso, at itong taon po nating inaasahan ito,
maipagkakaloob na ang 74,600 na baril na magagamit nila upang ipagtanggol at
alagaan ang bayan, lipunan, at sarili. [Applause]
Dumako naman po tayo
sa usapin ng pambansang tanggulan. May mga nagsabi na po na ang ating Air Force,
"all air, at no force." [Laughter] Imbes na alagaan ng estado, para bang
sinasadyang ilagay sa alanganin ang ating mga sundalo. Hindi po tayo makakapayag
na manatiling ganito.
Makalipas nga lang po ang isang taon at pitong
buwan, nakapaglaan na tayo ng mahigit dalawampu't walong bilyong piso para sa
AFP Modernization Program. Aabutan na nito ang tatlumpu't tatlong bilyong pisong
pondo na ipinagkaloob sa nasabing programa sa nakalipas na labinlimang taon.
[Applause] Bumubuwelo pa lang po tayo sa lagay na 'yan: kapag naipasa na ang
panukala nating AFP modernization bill sa Kongreso, makakapaglaan tayo ng
pitumpu't limang bilyong piso para sa susunod na limang taon.
Kasado na
rin po ang tatlumpung milyong dolyar na pondong kaloob ng Estados Unidos para sa
Defense Capability Upgrade and Sustainment of Equipment Program ng AFP. Bukod pa
po ito sa tulong nila upang pahusayin pa ang pagmanman sa ating mga baybayin sa
ilalim ng itatayong Coast Watch Center ng Pilipinas.
Nagka-canvass na
rin po ang Sandatahang Lakas ng mga kagamitan tulad ng mga kanyon, armored
personnel carrier, at frigates. Hindi magtatagal, dadaong na ang karelyebo ng
BRP Gregorio del Pilar sa ating pampang. Sa Enero, aangkla na po sa Pilipinas
ang BRP Ramon Alcaraz, ang pangalawa nating Hamilton class cutter. 'Di na po
bangkang papel ang ating ipapalaot; [applause] ngayon po, mga hi-tech at
dekalidad na barko na ang tatanod sa 36,000 kilometers nating coastline.
Mainam na rin po siguro kung maglilinis-linis na ng mga hangar ang ating
Sandatahang Lakas, dahil darating na ang mga kagamitang lalong magpapatikas sa
ating tanggulan. Sa wakas, may katuwang na po ang kaisa-isa nating C-130 na
tatlumpu't anim na taon nang rumoronda sa himpapawid: dalawa pang C-130 ang
magiging operational ulit sa taong ito. Bago matapos ang taong ito, inaasahan
nating mai-dedeliver na ang binili nating dalawampu't isang refurbished UH-1H
Helicopter, apat na combat utility helicopters, mga radyo't iba pang
communication equipment, rifles, mortars, mobile diagnostic laboratories, kasama
na ang bullet station assembly. [Applause] Pagdating naman po ng 2013, lalapag
na ang sampung attack helicopters, dalawang naval helicopters, dalawang light
lift aircraft, isang frigate, at mga force protection equipment. [Applause]
At hindi lang po natin sa armas ipinaparamdam ang pagkalinga sa ating
pulis at kasundaluhan. Nabawasan na rin po ang mga pasanin nila sa pamumuhay
dahil sa mahigit dalawampu't dalawang libong bahay ang naipatayo na sa ilalim ng
AFP–PNP housing program. [Applause]
Hindi po ito tungkol sa
pakikipaggirian o pakikipagmatigasan. Hindi ito tungkol sa pagsisiga-sigaan.
Tungkol ito sa pagkamit ng kapayapaan. Tungkol ito sa kakayahan nating
ipagtanggol ang ating sarili—isang bagay na kaytagal nating inisip na imposible.
Tungkol po ito sa buhay ng isang sundalong araw-araw sumasabak sa peligro;
tungkol ito sa pamilya niyang nag-aabang na makabalik siyang ligtas, ano man ang
kanyang makaharap. Hayaan po nating ang ilang mga benipisyaryo ang magbigay ng
kani-kanilang mga kuwento:
[Video]
At ngayon ngang inaaruga na sila
ng taumbayan, lalo namang ginaganahan ang ating kasundaluhan na makamtan ang
kapayapaan. Tagumpay pong maituturing ang dalawandaan at tatlong rebeldeng
sumuko at nagbabalik-loob na sa lipunan, at ang 1,772 na bandidong nawakasan na
ang karahasan. Halimbawa po ang kilabot na teroristang si Doctor Abu, na hindi
na makakapaghasik ng kaniyang lagim. Nagpupugay rin po tayo sa panunumbalik ng
katahimikan sa mga lugar na matagal nang biningi ng putukan. Ang resulta nga po
ng bayanihan: 365 na barangay ang naagaw sa kamay ng kaaway, 270 na gusali't
paaralan ang naipaayos, at 74 health centers ang naipagawa. [Applause]
Kung kapayapaan na lang din po ang usapan, dumako naman tayo sa lugar na
matagal naging mukha ng mga mithiing 'di makamtan-kamtan. Bago po magsimula ang
mga reporma natin sa ARMM, at alam naman po n'yo, may mga ghost students doon,
na maglalakad sa isang ghost road, tungo sa isang ghost school, para magpaturo
sa isang ghost teacher. Ang mga aparisyon pong gumulantang kay OIC Governor
Mujiv Hataman: [applause] Apat na eskuwelahan na natagpuang may ghost students;
iniimbestigahan na rin ang mga teacher na hindi lumilitaw ang pangalan sa talaan
ng Professional Regulation Commission, gayundin ang mga tauhan ng gobyernong
hindi nakalista sa plantilya. Limampu't limang ghost entry ang tinanggal sa
payroll. Ang dating paulit-ulit na pagsasaboy ng graba sa kalsada para lang
pagkakitaan ng pera, bawal na. Wala nang cash advance sa mga ahensya, para
maiwasan ang pagsasamantala. Ang mga multo sa voters list, mapapatahimik na ang
kaluluwa. [Applause]
Kaya nga po kay OIC Gov. Mujiv Hataman, ang
masasabi natin: talaga namang isa ka nang certified ghost buster.
Ang
pumalit po, at pinapalit na: pabahay, tulay, at learning center para sa mga
Badjao sa Basilan. Mga community-based hatchery, lambat, materyales para
maglinang ng seaweeds, at punlang napakinabangan ng 2,588 na mangingisda.
Certified seeds, punla ng gabi, cassava, goma, at mga punong namumunga para sa
145,121 na magsasaka. Simula pa lang po iyan: nakalaan na ang 183 million pesos
para sa mga municipal fishing port projects sa ARMM; 310.4 million pesos para sa
mga istasyon ng bumbero; 515 million pesos para sa malinis na inuming tubig;
551.9 million pesos para sa mga kagamitang pangkalusugan; 691.9 million pesos
para sa daycare centers; at 2.85 billion pesos para sa mga kalsada at tulay na
babagtas sa rehiyon. Ilan lang po iyan sa patutunguhan ng kabuuang 8.59 billion
pesos na ipinagkaloob ng pambansang gobyerno para isakatuparan ang mga reporma
sa ARMM. [Applause]
Lilinawin ko rin po: hindi pa kasama rito ang
taunang suportang natatanggap nila, na ngayong 2012 ay umabot sa 11.7 billion
pesos. [Applause]
Miski po ang mga dating gustong tumiwalag, nakikita na
ang epekto ng reporma. Kinikilala natin bilang pahiwatig ng kanilang tiwala ang
nakaraang pitong buwan, kung kailan walang nangyaring sagupaan sa pagitan ng
militar at ng MILF. Sa peace process naman po: hayag at lantaran ang usapan;
nagpapamalas ang magkabilang panig ng tiwala sa isa't isa. Maaaring minsan,
magiging masalimuot ang proseso; signos lang po ito na malapit na nating makamit
ang nag-iisa nating mithiin: Kapayapaan.
Mapayapang pag-uusap rin po ang
prinsipyong isinulong natin upang mabuo ang ating Executive Order ukol sa
pagmimina. Ang kaisipan sa likod ng nabuong consensus: mapakinabangan ang ating
likas na yaman upang iangat ang buhay ng Pilipino, hindi lamang ngayon kundi
pati na rin sa susunod na salinlahi. Hindi natin pipitasin ang ginintuang bunga
ng industriyang ito, kung ang magiging kabayaran ay ang pagkasira ng kalikasan.
[Applause]
Ngunit unang hakbang lamang ito. Isipin po ninyo: Noong 2010,
145 billion pesos ang kabuuang halaga na nakuha mula sa pagmimina, subalit 13.4
billion pesos lamang o siyam na porsyento ang napunta sa kaban ng bayan. Ang
likas na yaman, pag-aari ninyo; hindi tayo papayag na balato lang ang mapupunta
sa Pilipino. Umaasa po tayo sa pakikiisa ng Kongreso upang makapagpasa ng batas
na sisigurong napapangalagaan ang kalikasan at matitiyak na makatarungan ang
magiging pakinabang ng publiko at pribadong sektor sa mga biyayang makukuha
natin mula sa industriyang ito. [Applause]
Pag-usapan po natin ang
situwasyon sa Disaster Risk Reduction and Management. Dati, ang gobyernong dapat
tumutulong, nanghihingi rin ng tulong. Ngayon, nasa Pasipiko pa lang ang bagyo,
alam na kung saan idedestino ang ayuda, at may malinaw nang plano upang maiwasan
ang peligro.
Tuwing pag-uusapan nga po ang sakuna, lagi kong naaalala
ang nangyari po sa amin sa Tarlac noong minsang bumagyo. Sa lakas ng ulan,
bumigay ang isang dike. Nang nagising ang isang barangay captain, tinangay na ng
baha ang kanyang pamilya at mga kagamitang pangsaka. Buti nga po't nakaligtas
ang buong mag-anak. Malas lang po ng kalabaw nilang naiwang nakatali sa puno;
nabigti ito sa lakas ng ragasa.
Walang kalaban-laban din po ang marami
sa tinamaan ng bagyong Ondoy, Pepeng, at Sendong. Napakarami pong nasawi sa
paghagupit ng mga delubyong ito. Sa ilalim ng bagong-lunsad na Project NOAH,
isinakay natin sa iisang bangka ang mga inisyatiba kontra-sakuna, at hindi na
rin po idinadaan sa tsamba ang paglilikas sa mga pamilya. Gamit ang teknolohiya,
nabibigyan na ng wastong babala ang Pilipino upang makapaghanda at makaiwas sa
disgrasya.
Real-time at direkta na ang pakinabang ng walumpu't anim na
automated rain gauges at dalawampu't walong water level monitoring sensors natin
sa iba't ibang rehiyon. Bago matapos ang 2013, ang target natin: animnaraang
automated rain gauges at apatnaraan at dalawampu't dalawang water level sensors.
Ipapakabit po natin ang mga ito sa labingwalong pangunahing river basins sa
buong bansa. [Applause]
Isa pa pong pagbabago: Dati, ang mga ahensya'y
kanya-kanyang habulan ng numero, kanya-kanyang agenda, kanya-kanyang pasikatan.
Ngayon, ang kultura sa gobyerno: bayanihan para sa kapakanan ng taumbayan.
Convergence po ang tawag natin dito.
Dati pa naman po naglipana ang mga
programa sa tree planting. Pero matapos magtanim, pababayaan na lang ang mga
ito. Kapag nakita ng mga komunidad na naghahanap din ng kabuhayan, puputulin ang
mga ito para gawing uling.
May solusyon na po rito. Mayroon na pong
128,558 hectares ng kagubatang naitanim sa buong bansa; bahagi lang po iyan ng
kabuuang 1.5 million na ektaryang matatamnan bago tayo bumaba sa puwesto.
[Applause]
Nakapaloob po rito ang mga komunidad na nasa ilalim ng
National Convergence Initiative. Ang proseso: pagkatanim ng puno,
makikipag-ugnayan ang DSWD sa mga komunidad. Kapalit ng conditional cash
transfer, aalagaan ang mga puno; mayroon ding mga magpapalago ng bagong punla sa
nursery. 335,078 na po ang mga Pilipinong nakakakuha ng kabuhayan mula dito.
Sa isa nga pong programa, nakiambag din ang pribadong sektor, na
nagbibigay ng espesyal na binhi ng kape at cacao sa komunidad, at tinuturuan
silang alagaan at siguruhing mataas ang ani. Itinatanim ang kape sa lilim ng mga
puno, na habang nakatayo ay masisigurong hihigop ng baha at tutulong makaiwas
tayo sa pinsala. Ang kumpanyang nagbigay ng binhi, sure buyer na rin ng ani.
Panalo po ang mga komunidad nay may dagdag kita, panalo ang pribadong sektor,
panalo pa ang susunod na salinlahing makikinabang sa matatayog na puno.
[Applause]
Matagal na pong problema ang illegal logging. Mula nga po
nang lumapag ang EO 23, nakasabat na si Mayor Jun Amante ng mahigit anim na
milyong pisong halaga ng troso. Nagpapasalamat tayo sa kanya. Sa Butuan pa lang
ito; paano pa kung magpapakita ng ganitong political will ang lahat ng LGU?
Ang mga trosong nakukumpiska ng DENR, lalapag sa mga komunidad na
naturuan na ng TESDA ng pagkakarpintero. Ang resulta: upuan para sa mga
pampublikong paaralan na hawak naman ng DepEd. Isipin po ninyo: ang dating
pinagmumulan ng pinsala, ngayon, tulay na para sa mas mabuting kinabukasan.
Dati, imposible nga ito: Imposible kung nagbubulag-bulagan ang pamahalaan sa
ilegal na gawain.
Kaya kayong mga walang konsensya; kayong mga
paulit-ulit isinusugal ang buhay ng kapwa Pilipino: maghanda na kayo. Tapos na
ang maliligayang araw po ninyo. [Applause]
Sinampolan na natin ang
tatlumpu't apat na kawani ng DENR, isang PNP provincial director, at pitong
chief of police. Pinagpapaliwanag na rin po natin ang isang Regional Director ng
PNP na nagbingi-bingihan sa aking utos at nagbulag-bulagan sa mga dambuhalang
trosong dumaan sa kanilang tanawin. Kung hindi kayo umayos, isusunod namin kayo.
Magkubli man kayo sa ilalim ng inyong mga padrino, aabutan namin kayo. Isasama
na rin namin ang mga padrino ninyo. [Applause]
Kaya bago pa
magkasalubong ang ating landas, ako po'y muling makikiusap, mas maganda sigurong
tumino na kayo.
Mula sa sinapupunan, sa pag-aaral at pagtatrabaho, may
pagbabago nang haharap sa Pilipino. At sakaling piliin niyang magserbisyo sa
gobyerno, tuloy pa rin ang pag-aaruga ng estado hanggang sa kanyang pagreretiro.
Tatanawin ng pamahalaan ang kanyang ambag bilang lingkod-bayan, at hindi
ipagdadamot sa kanya ang pensiyong siya rin naman ang nagpuhunan.
Isipin
po ninyo, at ako po'y nagulat dito: may mga pensyonado tayong tumatanggap ng 500
pesos lamang kada buwan. Paano kaya niya ito pagkakasiyahin sa tubig, kuryente,
at pagkain araw-araw? Ang atin pong tugon: Pagsapit ng bagong taon, hindi na
bababa sa limanlibong piso ang matatanggap na buwanang pensyon ng ating old-age
and disability pensioners. [Applause] Masaya tayong matutugunan natin ang
pangangailangan nila ngayon, nang hindi isinusugal ang kapakanan ng mga
pensyonado bukas.
Iba na po talaga ang mukha ng gobyerno. Sumasabay na
po sa pribadong sektor ang ating pasahod para sa entry level. Pero kapag sabay
kayong na-promote ng kaklase mong piniling mag-pribado, nagkakaiwanan na.
Mahahabol din po natin iyan; pero sa ngayon, ang good news natin sa mga
nagtatrabaho sa pamahalaan: Performance-Based Incentives. Dati, miski palpak ang
palakad ng isang ahensya, very satisfactory pa rin ang pinakamababang rating ng
empleyado. Dahil sa pakikisama, nahihirapan ang bisor na bigyan ng makatarungang
rating ang mga tauhan niya. Nakakawawa tuloy ang mga mahusay magtrabaho;
nawawalan sila ng dahilan para galingan dahil parehas lang naman ang insentibo
ng mga tamad at pursigido.
Heto po ang isa lamang sa mga hakbang natin
upang tugunan ito. Simula ngayong taon, magpapatupad tayo ng sistema kung saan
ang bonus ay nakabase sa pagtupad ng mga ahensya sa kanilang mga target para sa
taon. [Applause]
Nasa kamay na ng empleyado ang susi sa kanyang
pag-angat. Ang insentibo, maaaring umabot ng tatlumpu't limang libong piso,
depende sa pagpapakitang-gilas mo sa iyong trabaho. Dagdag pa ito sa
across-the-board na Christmas bonus na matatanggap mo.
Ginagawa natin
ito, hindi lamang para itaas ang kumpiyansa at ipakita ang pagtitiwala natin sa
ating mga lingkod-bayan. Higit sa lahat, para ito sa Pilipinong umaasa sa tapat
at mahusay na serbisyo mula sa lingkod-bayan, at umaasang sila at sila lamang
ang itinuturing na boss ng kanilang pamahalaan.
Alam po niyo, sa simula
pa lang mayroon nang mga kumuwestiyon sa sinasabi nating, "Kung walang corrupt,
walang mahirap." Hanggang ngayon mayroon pa rin pong mangilan-ngilang
nagtatanong: nakakain ba ang mabuting pamamahala? Ang simpleng sagot,
"Siyempre."
Isipin po natin ang ating pinanggalingan: Dati, parang "Wild
West" ang pamumuhunan sa Pilipinas. May peligro na nga ang negosyo, sinagad pa
ang risko dahil sa di tiyak at nakalihim na patakaran. Kakamayan ka nga gamit
ang kanan, kokotongan ka naman na gamit ang kaliwa.
Ngayon, dahil patas
na ang laban, at may hayag at hindi pabagu-bagong mga patakaran, patuloy ang
pagtaas ng kumpiyansa sa ating ekonomiya. Patuloy ang pagpasok ng puhunan;
patuloy ang pagdami ng trabaho; patuloy ang positibong siklo ng pagkonsumo,
paglago ng negosyo, at pagdami ng mamamayang naeempleyo. [Applause]
Dahil maayos ang paggugol ng gobyerno, walang tagas sa sistema. Dahil
maayos ang pangkolekta ng buwis, lumalago ang kaban ng bayan. Bawat pisong
nakokolekta, tiyak ang pupuntahan: Piso itong diretso sa kalsada, piso para sa
bakuna, piso para sa classroom at upuan, piso para sa ating kinabukasan.
[Applause]
Dahil maayos ang paggawa ng tulay, kalsada, at gusali,
itinatayo ang mga ito kung saan kailangan. Maayos ang daanan, mas mabilis ang
takbo ng produkto, serbisyo, at mamamayan.
Dahil maayos ang pamamahala
sa agrikultura, tumataas ang produksyon ng pagkain, at hindi pumapalo ang presyo
nito. Stable ang pasahod, at mas malakas ang pambansang ekonomiya.
Tunay
nga po: Ang matatag at malakas na ekonomiyang pinanday ng mabuting pamamahala
ang pinakamabisang kalasag laban sa mga hamon na kinakaharap ng daigdig.
Dalawang taon po nating binaklas ang mga balakid sa pag-unlad, at ngayon, tayo
na lang mismo ang makakapigil sa ating sariling pag-angat.
Ginawa po
natin ang lahat ng ito habang binubuno rin ng bawat bansa sa iba't ibang sulok
ng daigdig ang kani-kanilang problema't pagsubok.
Hindi po tayo nag-iisa
sa mundo, kaya't habang tinutugunan natin ang sarili nating mga suliranin,
angkop lamang na bantayan din ang ilang pangyayaring maaaring makaapekto sa
atin.
Naging maugong ang mga kaganapan sa Bajo de Masinloc. May mga
mangingisdang Tsinong pumasok sa ating teritoryo. Nasabat ng barko natin at
nasabad sa kanilang mga barko ang endangered species. Bilang pinuno, kailangan
kong ipatupad ang batas na umiiral sa ating bansa. Sa pagsulong nito,
nagbungguan ang Nine-Dash Line Theory ng mga Tsino, na umaangkin sa halos buong
West Philippine Sea, at ang karapatan natin at ng marami pang ibang bansa,
kasama na ang Tsina, na pinagtibay naman ng United Nations Convention on the
Laws of the Sea.
Ibayong hinahon ang ipinamalas natin. Ang barko ng
Hukbong Dagat, bilang tanda ng ating malinis na hangarin, ay agad nating
pinalitan ng barkong sibilyan. Hindi tayo nakipagsagutan sa mga banat ng
kanilang media sa atin. Hindi naman po siguro kalabisan na hilingin sa kabilang
panig na galangin ang ating karapatan, gaya ng paggalang sa kanilang mga
karapatan bilang kapwa bansang nasa iisang mundong kailangang pagsaluhan.
Mayroon po tayong mga miron na nagsasabing hayaan na lang ang Bajo de
Masinloc; umiwas na lang tayo. Pero kung may pumasok sa inyong bakuran at
sinabing sa kanya na ang kanyang kinatatayuan ay sa kanya na, papayag ba kayo?
Hindi naman po yata tamang ipamigay na lang natin sa iba ang sadyang atin
talaga. [Applause]
Kaya nga po hinihiling ko sa sambayanan ang pakikiisa
sa isyung ito. Iisa lang po dapat ang kumpas natin. Tulungan ninyo akong
iparinig sa kabilang panig ang katuwiran ng ating mga paninindigan.
Hindi po simple ang sitwasyon, at hindi magiging simple ang solusyon.
Magtiwala po kayo: kumokonsulta tayo sa mga eksperto, at sa lahat ng pinuno ng
ating bansa, pati na sa kaalyado natin—gayundin sa mga nasa kabilang panig ng
usaping ito—upang makahanap ng solusyon na katanggap-tanggap sa lahat.
[Applause]
Sa bawat hakbang sa tuwid na daan, nagpunla tayo ng
pagbabago. Ngunit may mangilan-ngilan pa ring pilit na bubunot nito. Habang
nagtatalumpati ako ngayon, may mga nagbubulung-bulungan sa isang silid at
hinihimay ang aking mga sinasabi; naghahanap ng butas na ipambabatikos bukas.
Sasabihin nila, "Salita lang ito, at hindi totoo ang tuwid na landas." Sila rin
po ang magsasabing hayaan na, magkaisa na; forgive and forget na lang para
makausad na tayo.
Hindi ko po matatanggap ito. Forgive and forget na
lang ang sampung taon na nawala sa atin? Forgive and forget na lang para sa
magsasakang nabaon sa utang dahil sa kakaangkat natin ng bigas, gayong puwede
naman palang pagyamanin sa ating sariling lupa?
Forgive and forget na lang ba para sa pamilya ng isang pulis na namatay nang
walang kalaban-laban, dahil batuta lang ang hawak niya habang hinahabol ang
armadong masasamang-loob?
Forgive and forget na lang ba para sa mga
naulila ng limampu't pitong biktima ng masaker sa Maguindanao? Maibabalik ba
sila ng "forgive and forget?" [Applause]
Forgive and forget ang lahat ng atraso ng mga naglubog sa atin sa bulok na
estado? Forgive and forget para maibalik ang lumang status quo? Ang tugon ko,
"Ang magpatawad, maaari; ang makalimot, hindi." [Applause]
Kung ang nagkasala ay hindi mananagot, gagarantiyahan mo ang pagpapahirap
muli sa sambayanan.
Ang tunay na pagkakaisa at pagkakasunduan ay magmumula lamang sa tunay at
ganap na katarungan. Katarungan ang tawag sa plunder case na isinampa laban sa
dating pangulo. [Applause]
Katarungan na bigyan siya ng pagkakataong
harapin ang mga akusasyon at ipagtanggol ang kanyang sarili. Katarungan ang
nasaksihan natin noong ika-dalawampu't siyam ng Mayo. Noong araw na iyon,
pinatunayan natin: Posibleng mangibabaw ang katarungan kahit na ang kabangga mo
ay may mataas na katungkulan. [Applause]
Noong araw na iyon, may isang
Delsa Flores sa Panabo, Davao del Norte, na nagsabing, "Posible palang iisang
batas lang ang kailangang sundin ng court interpreter na tulad ko, at ng Punong
Mahistrado." [Applause]
Posible palang maging patas ang timbangan;
maaaring isakdal at panagutin miski ang mayaman at makapangyarihan.
Kaya po
sa susunod na magiging Punong Mahistrado, malaki ang inaasahan sa inyo ng
sambayanan. Napatunayan na po nating posible ang imposible; ang trabaho natin
ngayon, siguruhing magpapatuloy ang pagbabago tungo sa tunay na katarungan,
matapos man ang ating termino. [Applause]
Marami pong sira sa sistemang
kailangan ninyong kumpunihin, at alam kong hindi magiging madali ito. Alam ko po
kung gaano kabigat ang pasanin ng isang malinaw na mandato; ngunit ito ang atas
sa atin ng taumbayan; ito ang tungkuling ating sinumpaan; ito ang kailangan
nating gampanan.
Simple lang ang hangad natin: kung inosente ka,
buong-loob kang haharap sa korte, dahil kampante kang mapapawalang-sala ka. Kung
ikaw ang salarin, anuman ang apelyido mo, o gaano man karami ang titulong
nakakabit sa iyong pangalan, may katiyakan din na pananagutan mo ang ginawa mong
kasalanan. [Applause]
Salamat din po kay Ombudsman Conchita
Carpio-Morales, [applause] sa pagtanggap ng hamon na maging tunay na
tanod-bayan. Kung tutuusin, pwede na niyang tanggihan ang responsibilidad at
sabihing, "Retirado na ako, puwede bang 'yung iba na lang?" Subalit nangibabaw
ang kaniyang malasakit sa bayan. Sa kabila nito, may nagregalo pa rin sa kanya
ng granada sa bahay. [Laughter] Ma'am, may mga darating pa pong pagsubok; baka
po paglaon, magaya na kayo sa akin na tinatawag, sabay-sabay pang tinatawag, na
ganid na kapitalista na komunista din patungong diktador dahil sa masigasig na
mga repormang ipinapatupad natin.
Bilib po ako sa inyong
pagpapakitang-gilas at maraming salamat sa pagiging instrumento ng katarungan,
lalo na noong kasagsagan ng impeachment trial. Salamat din po sa dalawang
institusyong bumubuo ng Kongreso: Sa Senado at Kamara de Representante, na
tinimbang ng taumbayan at nakitang sapat na sapat.
Sa lahat po ng
tumulong sa pagpapagana ng mga prosesong pangkatarungan: Dumaan kayo sa
matinding pagsubok, batikos, at agam-agam; kasama pa ang kaba na kung natalo
tayo, kayo ang unang pupuntiryahin ng kalaban. Pero 'di kayo natinag. Umasa sa
inyo ang Pilipino, at pinatunayan ninyong tama ang pag-asa sa inyo. Hindi ninyo
binigo ang sambayanan; ipinaliwanag ninyo lalo ang ating kinabukasan. [Applause]
Paalala lang po: hindi natatapos ang laban sa isang tiwaling opisyal na
natanggal sa puwesto, sa isang maanomalyang kontratang napigil ipatupad, o sa
isang opisinang naituwid ang pamamalakad. Kaya naman nananawagan po tayo sa
Kongreso na ipasa ang panukala nating sa pag-amyenda sa Anti-Money Laundering
Act, upang mas mapaigting pa natin ang pagpapanagot sa mga tiwali.
Itong
tinatamasa natin ngayon: ang bawat nailawan at iilawan pang sitio; ang bawat
daan, tulay, paliparan, tren, at daungan; ang bawat kontratang walang bukol; ang
kaligtasan at kapayapaan mula lungsod hanggang nayon; ang pagbalik ng piring sa
sistemang pangkatarungan; ang bawat classroom, upuan, at aklat na napasakamay ng
kabataan; ang bawat Pilipinong nahahandugan ng bagong kinabukasan—ang lahat ng
ito, naabot natin sa loob lamang ng dalawang taon.
Pagtabihin po natin ang
dalawang taon na ito, at ang nakaraang siyam at kalahating taon na ating
pinagdusahan. 'Di po ba't sumusulong na ang agenda ng pagbabago? Ang kapareho
namin ng adhikain, malamang, kasama namin sa agendang ito. At kung kontra ka sa
amin, siguro kontra ka rin sa ginagawa namin. Kung kumukontra sila sa agenda ng
pagbabago, masasabi ba niyang sila'y nasa panig ninyo?
Paparating na
naman po ang halalan. Kayo po, ang aming mga boss, ang tangi naming susundan.
Ang tanong ko sa inyo, "Boss, saan tayo tatahak? Tuloy ba ang biyahe natin sa
tuwid na landas, o magmamane-obra ba tayo't paatras, pabalik sa daan na baluktot
at walang patutunguhan?"
Naalala ko pa po noong nagsimula tayo. Mulat na
mulat ako sa bigat ng pasaning sasalubong sa atin. Kabilang ako sa mga nag-isip:
Kaya pa bang ituwid ang ganito kabaluktot na sistema?
Heto po ang aking
natutuhan sa dalawampu't limang buwan ng pagkapinuno: Walang pong imposible.
[Applause]
Walang imposible dahil kung nakikita ng taumbayan na sila ang tanging boss ng
kanilang pamahalaan, bubuhatin ka nila, gagabayan ka nila, sila mismo ang
mamumuno tungo sa makabuluhang pagbabago. Hindi imposible na ang Pilipinas ang
maging kauna-unahang bansa sa Timog-Silangang Asya na magbibigay at nagbibigay
ng libreng bakuna laban sa rotavirus. Hindi imposible para sa Pilipinas na
tumindig at sabihing: "Ang Pilipinas ay sa Pilipino—at handa kaming ipagtanggol
ito." Hindi imposible na ang Pilipinong kaytagal nang yumuyuko tuwing may
nakakasalubong na dayuhan—ang Pilipino, ngayon, taas-noong tinitingala ng buong
mundo. [Applause]
Talaga namang ang sarap maging Pilipino sa mga panahong ito.
Noon pong nakaraang taon, hiniling ko sa taumbayan: Magpasalamat sa mga
nakikiambag sa positibong pagbabago sa lipunan. Hindi po biro ang mga pagsubok
na dinaanan natin, kaya angkop lamang na pasalamatan ang mga taong nakibalikat,
sa pagkukumpuni sa mga maling idinulot ng masamang pamamahala.
Sa lahat ng miyembro ng aking Gabinete: Maraming, maraming salamat.
[Applause]
Mapalad po ang sambayanan at may mga tulad ninyong handang isuko ang pribado
at mas tahimik na pamumuhay para maghatid serbisyo-publiko, kahit pa batid
ninyong ang kapalit nito ay mas maliit na sweldo, panganib, at pambabatikos.
Maraming salamat muli.
Huwag din po sana nilang masamain dahil personal ko silang papangalanan: Kina
Father Catalino Arevalo, at Sister Agnes Guillen, na dumidilig at nagpapalago sa
aking buhay spirituwal, lalo na sa mga panahong sukdulan ang pagsubok sa amin,
maraming, maraming salamat din po. [Applause]
Ito po ang aking ikatlong SONA, tatlo na lamang din po ang natitira. Papasok
na po tayo sa kalagitnaan ng ating liderato. Noong nakaraang taon, ang hamon ko
sa inyo: iwaksi ang kultura ng negatibismo; sa bawat pagkakataon, iangat ang
kapwa-Pilipino.
Batid po sa tinatamasa natin ngayon: hindi kayo nabigo. Sa inyo nagmula ang
pagbabago. Ang sabi ninyo: posible.
Humaharap po ako sa inyo bilang mukha ng isang gobyernong kayo ang boss at
kayo pa rin ang lakas. Inuulat ko lamang ang mga pagbabagong ginawa ninyong
posible.
Kaya nga po sa lahat ng nurse, midwife, o doktor na piniling
magsilbi sa mga baryo; sa bawat bagong graduate na piniling magtrabaho sa
gobyerno; sa bawat atletang Pilipinong bitbit ang watawat saan mang panig ng
mundo; sa bawat kawani ng pamahalaan na tapat na nagseserbisyo: Kayo po ang
gumawa ng pagbabago. [Applause]
Sa tuwing haharap ako sa isang ina na
nagsasabing, "Salamat at nabakunahan na ang aking sanggol," ang tugon ko: Ikaw
ang gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang bata na nagsasabing,
"Salamat sa papel at lapis, sa pagkakataong makapag-aral," ang tugon ko: Kasama
ka sa gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang OFW na nagsasabing,
"Salamat at puwede ko na muling pangaraping tumanda sa Pilipinas," ang tugon ko:
Ikaw ang gumawa nito.
Sa tuwing haharap ako sa isang Pilipinong
nagsasabing, "Salamat, akala ko hindi na magkakakuryente sa aming sitio. Akala
ko hindi ko na aabuting buhay ang liwanag na ganito," ang tugon ko: Ikaw ang
gumawa nito.
Sa bawat pagkakataon na haharap ako sa isang magsasaka,
guro, piloto, inhinyero, tsuper, ahente sa call center, karaniwang Pilipino; sa
bawat Juan at Juana dela Cruz na nagsasabing "Salamat sa pagbabago," ang tugon
ko sa inyo: Kayo ang gumawa nito. [Applause]
Inuulit ko po: posible na
ang dating imposible. Humaharap po ako sa inyo ngayon, at sinasabing: hindi ko
SONA ito. Kayo ang gumawa nito. SONA ito ng sambayanang Pilipino. Maraming,
maraming salamat po at magandang hapon po sa lahat. [Applause]
Chief News Editor: Sol Jose Vanzi
© Copyright, 2012 by PHILIPPINE HEADLINE NEWS ONLINE
All
rights reserved
PHILIPPINE
HEADLINE NEWS ONLINE [PHNO] WEBSITE
[Non-text portions of this message have been removed]
------------------------------------
-------------------------------------------------------------
Follow us on Twitter: http://twitter.com/phnotweet
This is the PHILIPPINE HEADLINE NEWS ONLINE (PHNO) Mailing List.
To stop receiving our news items, please send a blank e-mail addressed to: phno-unsubscribe@yahoogroups.com
Please visit our homepage at: http://www.newsflash.org/
(c) Copyright 2009. All rights reserved.
-------------------------------------------------------------Yahoo! Groups Links
<*> To visit your group on the web, go to:
http://groups.yahoo.com/group/phno/
<*> Your email settings:
Individual Email | Traditional
<*> To change settings online go to:
http://groups.yahoo.com/group/phno/join
(Yahoo! ID required)
<*> To change settings via email:
phno-digest@yahoogroups.com
phno-fullfeatured@yahoogroups.com
<*> To unsubscribe from this group, send an email to:
phno-unsubscribe@yahoogroups.com
<*> Your use of Yahoo! Groups is subject to:
http://docs.yahoo.com/info/terms/